Tuesday, August 09, 2005

Amo


Tayo ang mga bagong alipin.

Mga aliping walang gapos. Mga alipin ng ating highly advanced capitalist society. Mga alipin ng ating sariling colonial consumerist mindset.

Pumunta ka ng grocery para bumili ng porkchop, toyo, sibuyas, at diaper ng mga bata.


Mabilis lang.


Bago umuwi ng bahay dadaanan mo na sana para matapos na. Wala kang balak magbitbit ng marami.

Naka isang mabilis na ikot ka lang pero pagdating mo sa counter magugulat ka na lang kasi ang shopping cart mo may hotdog na, may orange juice na, may bagong shampoo na (kahit meron pang laman yung bote sa bahay), may chocolate bars, may bubblegum, may moisturizer, may cooking oil, soap dish na dark green, isang magazine na ang cover ay si Jude Law, at isang malaking bote ng mouth wash para sa singaw ni babes.

Sa totoo lang hindi mo naman kailangan ang lahat ng ito. Sa totoo lang medyo kapos ka na nga at hindi mo dapat ginastos ang pambayad ng tubig niyo. Pero by some magical force, habang nandoon ka sa loob ng grocery, nakumbinsi ka ng SM o ng Robinson’s o ng Rustan’s na kailangan mo ang lahat ng mga ito. Kailangan ito ng pamilya mo. Dito nakasalalay ang kasiyahan at katahimikan ng iyong mag-anak!

Pader pader ng mga endorsers ang mangungulit sa iyo. Masasayang mga antiseptic models at mga artista nakangiti, sinasabing ‘Bilin mo ‘to! Ako mismo naniniwala’ng effective ‘to laban sa lahat ng klase ng mantsa!’

E isa ka lang hamak na mamamayan! Ano ba naman ang laban mo sa angking talino ni Kris? Ni Sharon? Ni Heart?!


Wala!


Kailangan ko ng Ipod!

Kailangan ko ng Burberry na cologne!

Kailangan ko ng tsinelas ng P1200 (RIP tumbang preso)!

Kailangan ko ng cellphone na MMS capable, may 2 hour video recording capability, may bluetooth, may MP4 player, may patalim, scuba gear, at lambat na panghuli ng mga magnanakaw! Konti na lang robot na ang telepono ko! Parang si Daimos!

Tayo ang mga bagong alipin! Mabuhay tayo! Hindi na kailangang igapos, hindi na kailangang ikulong! Kusa na tayong susunod!

Cool daw e.

Sabi ni Chuck Palahniuk ‘the things you own end up owning you’. Pangit pakinggan. Nahuhurt ako. Pero pag biglang nagring ang cellphone ko sa kwarto, kumakaripas ako ng takbo paakyat ng bahay…

(‘FERRER! BWAKANG INA KA! SINO NANAMAN ANG KINAKAUSAP MO DIYAN SA IBABA?!? HALIKA NGA DITO!!!’

‘Opo, Panginoon! Isang saglit lang po, mahal na Nokia 7250!’)

Napapaisip tuloy ako kung ako may ari ng cell ko o siya may ari sa akin.
Semplang


Hindi ako makapagsulat. Halos isang oras na ako sa harap ng computer ko pero hindi pa rin ako makapagsulat. Pindot ako ng pindot ng mga letra dito sa keyboard pero walang saysay ang lumalabas na mga salita sa screen. Parang ayaw gumana ng utak ko. Kadalasan ay sandaling-sandali lang ang mga ganitong gawain sa akin; parang kusang dumadating yung ideya sa ulo ko at pinababayaan ko na lang kumilos ang aking mga kamay. Pero iba ngayong gabi; parang iniwan na ako ng aking imahinasyon.

Kinalkal ko ang aking alaala para makahanap ng magandang maisusulat. Wala akong mahalungkat.

Pinatay ko na lang ang computer at bumaba na ako. Kumuha lang ako ng green apple sa lamesa at nagpaalam. “Mamamasyal lang ako, Papa.” Hindi na ako nakarinig ng sagot pero ibig sabihin non: Sige.; wag kang magpapagabi. Kaya kinuha ko na yung susi ng kotse at dumiretso na ako sa kung saan man ako dalhin ng hangin.

Naaalala ko tuloy si Ramon. Kaibigan ko siya dati sa Las Piñas nung first at second year high school. Parang magkapatid ang turingan namin dati sa isa’t-isa. Magkaklase na kami, magkapit bahay pa!

Nung una puro pagbibisikleta lang ang nasa isip namin. Hindi na kami halos kumakain sa skwela para lang makabili ng piyesa ng binubuo naming bike. Balak kasi naming bumuo ng bike na all original ang mga parts. Hindi mo naman masisiguro kung original lahat ng parts kung bibili ka ng bike na buo na; kaya halos isa’t kalahating quarter kaming hindi kumakain ng lunch para lang makapunta ng Cartimar at makapamili.

Natapos din ang paghihirap namin. Nakabuo ako ng all original na Haro Shredder at nabuo ni Ramon ang kanyang GT Wide Pipe. “Yes! Tayo na ang pinaka malupit dito.”puri ni Ramon sa napagtagumpayan namin. Idinispatsa namin yung mga luma naming karag-karag na bike at linarga yung mga bagong baby namin.

“Saan ang unang biyahe natin, Stan?”

“Kung saan tayo dalhin ng hangin!”

Nung una ay nakuntento kami sa pagpapahabol sa mga aso ng iba’t –ibang subdivision ng Pulang Lupa, Las Piñas; pero nawala din yung thrill non pagka lipas ng ilang buwan. “Stanley,” excited na tawag niya sa akin isang umaga habang naglilinis ako ng kotse,”tignan mo tong bagong gimik ko.” Nakasakay siya sa bike niya non. Pumadyak siya papalayo sa akin, nag u-turn at humarurot pabalik. Nung ilang pulgada na lang ang layo niya sa isang hump ay pinatalon niya ang kanyang bike. Lumagpas siya sa hump ng hindi man lang sumasayad ang mga gulong niya.

“Tang ina! Pano mo nagawa yon?”

“Easy lang ‘pre. Yan na ang bagong trip natin ngayon.” Kadalasan ay ako ang nagdedesisyon para sa buong barkada. Parang tuwing may mahalagang mga bagay na pagpipilian ay sa akin sila nagtatanong kung ano ang dapat gawin. Parang ako yung kuya nila. Pero alam nilang lahat na may kakaibang respeto kami ni Mon sa isat-isa. Kung tatanungin nila ako at hindi ako masyadong sigurado o wala ako sa mood magdesisyon; kay Mon ako humihingi ng tulong.

Gumaling kami pareho sa pagpaparampa ng bike. Gumawa ng malaking rampa ang iba naming mga barkada sa bakuran nila. Nasunog ang balat ko sa kabibilad sa araw. Natadtad ng peklat ang mga tuhod ko at binti dahil sa dami ng sugat na nahakot ko sa pagpapalipad ng bisikleta. Pero enjoy. Pag nagba-bike lang ako nakakatakas sa gulo at ingay ng bahay. Si Ramon naman, doon linalabas yung galit niya sa mundo. Ako den. Kaya siguro kahit namamaga na yung tuhod ko sa kapal ng nana ay hindi ako gumagamit ng shin guards o knee pads. Parang pareho kaming nasasarapan sa hapdi ng mga tinapyas naming balat.

Puro tawa lang non. Halakhak, bike, kain, bike, kwentuhan, bike.

Hindi rin yon tumagal. Siyempre nagbibinata na kami by the time matapos ang first year kaya nagsisihanap na kami ng mga girlfriend. Kumonti na yung tawanan. Naging seryoso na.

“Trip naman tayo ng bago, Mon. Beer naman!”

“Saan naman tayo iinom? Baka mahuli tayo?”

“Kung saan tayo dadalhin ng hangin!”

Ayun; nung summer na yon ay natuto kaming uminom ng beer. Hindi na kami naka bike kung gumala sa mga subdivision; naglalakad na lang. Hindi na kami nagpapahabol sa aso; dinadalaw na namin ang mga anak ng amo nilang dalagingding.

“Tang ina nila! Hindi naman nila ako kinakausap tapos gusto nila respetuhin ko sila.” Yan ang laging sinasabi ni Mon tungkol sa mga magulang niya pag nagkakasama kami sa bahay namin at medyo bad trip siya. Ang labo nga ng pamilya nila. Pag nandon ako, parang bahay ko din yon. Nakikipagbiruan yung Mama at Papa ni Mon sa akin; minsan pinapaalalahanan pa ako, o kaya bibibigyan ng malaking bag ng Combos. Ang babait nila.

Pero ang labo.

Halos dalawang taon na kami magkakilala ni Ramon nung panahon na yon, pero kahit minsan ay hindi ko pa naririnig na kinausap siya o binati man lang ng Papa niya. “Pa, lalabas lang kami nila Stanley.” Pero titingin lang ang Papa niya at tatango. Minsan sinusundo ko siya papasok sa skwela; hindi rin siya kinikibo ng Papa niya kahit inaabutan na siya ng baon. “Lumilipas nga ang isang buwan ng hindi kami nag kikibuan niyan eh.”, sumbong sa akin ng kaibigan ko, “Tapos ang sasabihin lang sa akin niyan “Oy!” o kaya “Tawag ka ng Mama mo.”; papano ka namang gaganahan sa erpat mo kung ganyan?”

Hindi nagbago ang sitwasyon niya sa bahay nila. Naiisip ko tuloy kung gaano akong kaswerte at nakakausap ko ang mga magulang ko. Parang sa akin na lang kumukuha ng suporta si Mon pag kailangan niya. Naging kuya nanaman ang labas ko.

Nagbanda naman kami nung second year. Tugtugan, inom, gala, syota. Yun ang naging buhay sophomore namin. Hindi na inosente pero masaya. Mas delikado at mas mainit kami sa mga magulang namin pero masaya pa rin. Hindi na nga lang inosente.

Nung taon na yon ako nag-mature. Alam ko na kung anong dapat at hind dapat gawin. Pero ginagawa pa din namin yung hindi dapat dahil wala akong kontrol. At ako nga ang nagdedesisyon sa barkada, diba.

“Lilipat tayo sa Laguna this summer.” Yan ang pinaka kinasusuklaman kong sentence! Mula ng sinabi ni Papa sa akin yon ay binigyan ko ng halaga ang bawat tugtog, bawat inom, bawat gala namin ng barkada. Nung sinabi ko kay Ramon yon ay parang sumemplang siya sa bike.”Iniwan na nga ako ni Yvonne, iiwan mo pa ko.” Palabiro ang pagkakasabi niya non. “Buti yung girlfriend madali palitan…” hindi na niya tinapos. Hindi na palabiro ang pagkakasabi niya. Ano naman ang isasagot ko? Eh sumemplang din naman ako na tulad niya… mas masakit pa.

Mga two weeks bago kami lumipat ay nag inuman kaming dalawa ng todo. Parang wala nang bukas! Puta, tinira namin ang ilang bote ng Caribe at Gilbey’s! Naging madrama ng husto ang gabing yon. Inupakan din namin yung sausage at ham sa ref!

May tama na ako, pero hindi ko makakalimutan yung mga sinabi sa akin ni Ramon nung gabing yon,”Ikaw lang naman ang nakakaintindi sa akin, eh. Tayo lang naman talaga ang magkakampi dito.” Hawak niya ang balikat ko at nakayuko siyang umiiyak. Siyempre naiyak din ako.

“Tang ina ka, Mon. Natuluan tuloy ng uhog yung baso ko.” Hindi naman siya tumawa. Diretso iyak lang siya. Lalo tuloy akong nalungkot; lalo tuloy kaming maraming nainom.

Hindi doon nagtapos yung dramahan. Nawalan na ako ng malay sa dami ng toma. Pinagsusukahan ko nga daw yung carpet ng madrasta ko. Malagkit at mabahong suka na punong-puno ng durog na sausage at ham.

Umaga na nang magkamalay ako. Nagising akong nakasalampak ang mukha sa malagkit na sahig. Amoy suka. Binuhat ko ang binibiyak kong ulo at pilit na idinilat ang aking mga mata. Nagdikitan ang natuyong suka sa pilik mata ko.

Nakita ko si Ramon na naka handusay sa may hagdanan. Hindi ko malaman kung paano ako napunta sa sala. Humiga na lang ako ulet at natulog.

Sabi ni Mon ay pinunasan daw niya yung suka ko sa carpet at banyo, tapos ay hiniga niya ako sa may sofa. Bumagsak daw ako sa sahig. Kaya pala may bukol ako. Nakatulog na daw siya sa may hagdan tapos non.

Ilang araw bago kami lumipat ay nilabas namin ni Mon ang mga inaalikabok naming bike at nag rampa kami! Mga ilang ulit lang ay bumigay ang nabubulok na ply wood ng rampa. Kinain na ito ng anay. Tutal kinakalawang na kaming dalawa, hindi na kami humanap ng ibang rampang mahihiram… baka mapahiya pa kami.

Nagpahabol na lang kami sa aso.

Ginugol ko ang mga natitirang taon ng high school sa Laguna. Nakahanap rin ako ng mga bagong kaibigan. Medyo nahirapan akong mag adjust sa mga tuyong trippings nila, pero naging maganda para sa akin ang paghiwalay sa magimik na mundo ng Las Piñas. Medyo gumanda ang mga grado ko, medyo lang. Natuto akong dumanas ng matinding sakit at loneliness. Natuto akong huwag magpakalugmok sa isang bahagi lamang ng buhay. I learned to move on.

Habang nasa Laguna ay dumadalaw ako paminsan minsan sa Las Piñas. Nung una ay dinadalaw din ako nila Mon. Nang mag-debut ang ate niya, na isa ring matalik na kaibigan, doon ako dapat matutulog sa kanila para makasama sa selebrasyon. Gumala na lang kami at nagpalipas ng magdamag sa waiting shed ng dati kong paaralan. Doon kami madalas tumambay dati pag naghihintayan. Kasama ang ilang kabarkada, nagkwentuhan lang kami doon hanggang sumikat ang araw.

Ilang buwan makalipas yon ay nakatikim na ng drugs sila Ramon. Nung una pa lang ay tutol na ako sa ginagawa nila. Hindi ko lang masyadong sinasabi dahil baka mawalan sila ng tiwala sa akin. Naki-jam din ako ng ilang beses. Napaka hipokrito ko naman kung sasabihin kong hindi ako nag enjoy.

Nagising ako sa mundo ng isang taong ang kasiyahan ay tinutunaw sa kapirasong foil at hinihithit. Hindi ko na pinatagal. Tinigil ko na habang maaga pa. Pinilit ko rin silang awatin pero ayaw nila.

Hindi na pala ako ang nagdedesisyon sa barkada.

Si Ramon na.

Marami nang mga bagong mukha na, ayon sa kanila, ay nagdala ng bagong trip sa barkada. Di nagtagal ay naging mas mahalaga na ang mga trippings kaysa sa isat-isa.

Nabulok na rin ang dati kong mga kaibigan. Kinain na rin ng anay si Ramon.

Hindi ko masabi sa mga magulang niya na adik na siya. Isang sikreto itong tinago namin ng ate niya dahil inakala naming tuluyang mawawalan ng pag-asa si Mon pag nawalan siya ng taong mapagkakatiwalaan.

Ikaw lang naman ang nakakaintindi sa akin, eh. Tayong dalawa lang naman ang magkakampi dito.

Sumuko na ako. Hindi ko nakayang sagipin ang mga kaibigan ko sa impyernong nagbabalatkayong langit na kinalalagyan nila. Anong klase akong kuya?

Isang araw ay tinawagan ako ng matalik kong kaibigan, si Ramon; umiiyak siya sa telepono. “Anong problema, pare?” Hikbi lang ang kasagutan. “Mon…anong problema? Sabihin mo sa ‘ken. Tutulungan kita. Cool ka lang.”

“Pare,” kinabahan ako sa tono ng kanyang boses, ”huling semplang ko na siguro ‘to.”

Nakita na lang siya sa loob ng kotse niya kinabukasan; nakaparada malapit sa isang bakanteng lote na pinagrarampahan namin noon.

Naglason daw siya. Malamang hindi siya nag-OD dahil hindi daw yon masakit. Gusto niya sigurong parusahan ang sarili niya. Gusto niyang masaktan tulad ng ginagawa namin dati sa bike pag kumakaskas ang mga tuhod namin sa simento.

Sumemplang ako. Mas masakit.

Kailangan ko pang mabuhay na pasan ang pagkukulang ko kay Ramon.

Yun na lang siguro ang isusulat ko para sa salaysay.

Napansin ko na pabalik na ako sa bahay. Umikot lang ako sa village namin. Hindi ko halos namalayan. Ubos na ang green apple ko. Tinapon ko ito sa isang basurahan sa tabi ng kalye. May sign board na nakalagay: Help keep Laguna clean and green.
Laguna.
Kung hindi kaya kami lumipat ay napigilan ko ang nangyari kay Ramon? Ewan ko lang. Baka nagsabay pa kami.

Matagal ko nang tinatanong kay Papa kung bakit kami lumipat dito; ngayon ko lang na realize ang sagot…dito ako dinala ng hangin.